“Naglasing ako noon. Uminom ako ng isang long neck na alak, sobrang lungkot ko sa mga pangyayari.”
Ito ang unang sagot ni Ma’am Lani nang hingan ko siya ng reaksyon kung maari ko siyang makapanayam tungkol sa karanasan niya sa unang “People Power” sa EDSA. Tumatawa siya ng sumagot, at tila pareho kaming nagulat sa ipinagtapat niyang hindi makkalimutang karanasan.
Nakataas ang dalawang paa sa kanyang silya, at parang batang magkwekwento ng mga masasayang ala-ala si Ginang Melania Abad, Ma’am Lani sa karamihan, kilalang progresibong propesor ng Departamento ng Filipino at Panitikang Pilipinas sa Kolehiyo ng Arte at Literatura.
“Dalawampu’t dalawang taong gulang ako noong 1986 at full time na akong organisador ng KAMALAYAN sa mga urban poor communities,” sabi niya. Ganoon daw talaga ang ‘uso’ noon kahit sa unibersidad, bihira ang mga kumikilos na aktibista sa paaralan dahil mas mahigpit doon sa panahon ng Martial Law.
Mula sa eskwelahan ay nag-AWOL (absence without leave) si Ma’am Lani ng pitong taon. Sa mga mahihirap na komunidad ay full-time silang nakipamuhay, nagturo at nag-organisa tungkol sa kalagayan sa kabila ng delikadong banta ng diktaturya. “Nakakapagpakilos kami ng malalaking rally kasama ang mga karaniwang tao. At hindi iyon basta rally na katulad ngayon. Napakahirap. Dapat maayos. Dapat ligtas. Walang hihiwalay…kilala mo dapat ang mga kasama mo, ” pagkukumpara niya sa mga mobilisasyon ngayon.
Mula 1980 ay naging tulak na nang pag-oorganisa ni Ma’amLani ang paglaban sa pagsasamantala ng iilang may kapangyarihan at malalaking yaman, crony ng administrasyong Marcos, at ng kontrol umano ng Estados Unidos sa pamamagitan ng mga kasunduan, batas sa ekonomiya at mga base militar sa bansa.
Bagamat laban sila sa pagmamalabis sa kapangyarihan ni Marcos kasama ang maraming bilang ng paglabag sa karapatang pantao, hindi naman inaasahan na magmumula sa mga tao sa may-kayang estado ang mamumuno ng “pagbabagong” hindi tumutumbok sa mismong ipinaglalaban nina Ma’am Lani. “Malakas ang simpatya ng tao kay Ninoy noon. Napakabilis para sa amin ng mga pangyayari – eleksyon, kudeta…”
Mula Sabado, Pebrero 22 ng 1986 hanggang sa pagkapal ng tao sa lansangan, nanonood lang kami ng TV sa mga pangyayari, pag-amin ni Ma’am Lani. “Nakita namin kung paanong ang mga malalaking tao, tagapagmay-ari ng malalaking industriya at komersyo noon ay nanguna ng pagkilos para makabawi [kay Marcos].”
Sa mga kasapi ng samahan para pambansang demokratiko na kinabibilangan ni Ma’am Lani, nagsimula na ang paghihiwalay ng mga prinsipyo at ideyolohiya sa panahong ito. Hindi makalimutan ni Ma’am Lani kung paanong ang mga dating kaibigan at kasama niya ay makikita at maririnig na niyang kumakanta sa ibang tugtugin. Ayon kay ma’am Lani, “Sina Nani [Braganza] (ngayon ay alkalde ng Alaminos, Pangasinan) at Chito Gascon (kasalukuyang Director General ng Partido Liberal) ang ilan sa mga kasa-kasama naming kumikilos sa sektor ng kabataan, at nagkahiwa-hiwalay kami.”
Kinailangan din na makipagkaisa sa iba pang organisasyon, hiwalay man sa mga paniniwala at prinsipyo, at ang “anti-facism, anti-dictatorship” ang pinakanaging pagkakaisang sigaw.
“Ikalawa o ikatlong araw na kami pumunta ng EDSA. Sa totoo lang ay hindi naming alam ang gagawin. Nakikiramdam kami sa pangyayari at sa panawagan ng mga tao,” sabi ni Ma’am Lani. Kulay dilaw umano ang EDSA noon at silang kulay pula ay pinaiikutan lamang nila. Panay-panay ang kantyawan. Sinasabihan na silang umuwi, hindi umano ito ang panahon ng kanilang isinusulong. Noo’y nalungkot talaga si Ma’am Lani at hindi napigilang uminom ng alak.
Pagpapalit ng tao, at hindi pag-iiba ng sistema at politika – ganito niya nakita ang sinasabing ‘EDSA revolt’. “Parang party, may piknik sa EDSA nang mga panahong iyon. Nandoon ang buong pamilya, malakas ang stereo, maingay ang mga tugtog,” pag-alala niya. “At talagang nilantakan ng mga looters ang Malacañang; ninakawan at kinuha ang mga gamit sa loob.”
Matapos ang lahat ang ‘piknik’ sa lansangan, pinilit nang administrasyon ni Cory Aquino na bigyang puwang ang “democratic space” sa iba’t ibang kampo ng pulitika. Kasabay nito, marami na sa mga kasama noon ni Ma’am Lani ang nakatanggap at agad na naluklok sa pwesto sa pamahalaan. Kung hindi man nag-‘lie-low’, tuluyan na ngang iniwan ang kinikilusang organisasyon.
“Kinikilala natin ang lakas ng mga tao at kakayahang kumilos ng sama-sama para mapatalsik si Marcos. Pero mabuting makita natin ang konteksto na muli nabawi ang mga malalaking kompanya sa mga dati ding kamay at nagtuloy-tuloy ang mga paglabag sa karapatang pantao at kahirapan.”
Ganoon pa man, bagamat nakitang isang kahinaan ng kasaysayan sa kabila ng pagsikat ng Pilipinas sa buong mundo, ito ay isang magandang parte na pagkukuhaan ng aral – at sa ganito natatandaan ni Ma’am Lani ang EDSA 1.
No comments:
Post a Comment