Kumpara sa ‘bitukang manok’ ng Baguio City, mas mababait ang liku-likong daan na tumutunton sa Pantabangan Dam. Hindi maiiwasang ikumpara ang dalawa dahil magkatulad na nakakaengganyo sa mga mata ang kapal ng luntiang makikita kahit saan ka bumaling. Habang may pumapayong sa kalsada na nagtataasang puno sa gilid ng bundok, mayroon namang takot sa nakangangang bangin sa magkabila.
Maaraw pero malamig ang hangin, tanda ng tumataas na altityud ng lugar. Parang sa pelikula, halinhinang sumusilip ang sinag ng araw sa mga pagitan ng malalapad na dahon ng mga puno sa magkabilang gilid ng daan at nag-aabot sa itaas at nagiging lilim.
Mula sa terminal ng provincial bus (Five Star, Baliwag o ES) sa Cubao, higit sa apat na oras ang biyahe na dadaan sa North Luzon Expressway (NLEX) papunta sa Cabanatuan City na sentro ng Nueva Ecija. Mas mabilis naman ito kung sa kabubukas na Subic-Clark Tarlac Expressway (SCTEX) dadaan ang nasakyang bus dahil maiiwasan ang mabigat na traffic sa national high-way ng mga bayan ng Bulacan. Pagbaba sa provincial terminal ng Cabanatuan City, maaari nang sumakay ng dyip papuntang bayan ng Rizal para marating ang Pantabangan Dam. Kulang dalawang oras naman ang paglalakbay sa rutang Rizal-Llanera-Pantabangan. Mababawasan naman ng kulang-kulang dalawang oras ang kabuuang tagal ng byahe kung may sarili kang sasakyan mula at pwede pang mag-stop over sa mga lugar sa Bulacan at Pampanga na madadaanan.
Nakakangawit ang pag-upo sa coaster bus sa biyahe namin nang magpunta sa Pantabangan kaya ang payo ko, magbaon ng isang sakong kwento, i-Pod o gitara para sa kantahan o isang nobela para patayin ang pagkabagot. Pero kung likas kang nature lover ka at natutuwa na nang sobra sa pag-sa-sight-seeing, tiyak maiiyak ka sa ligaya sa lakad na ito. Hindi mahirap ang signal sa cellular phone kaya pwede din na magtext o makipagtawagan, pamatay bagot din, sa kahit saang parte ng byahe.
Baliktanaw
Binubuo ng 14 na baranggay ang bayan ng Pantabangan, isang 4th class municipality na mayroon lamang kulang 24,000 mamamayan. Halos border na ang baya na ito ng Nueva Ecija mula sa mga katabing lalawigan na Nueva Vizcaya sa bandang itaas at ng Aurora sa kanan. May 17 bundok, bahagi ng bulubundukin ng Sierra Madre, ang nakapalibot dito kaya hindi nakapagtatakang malamig ang lugar.
Pinagmamalaki ng pamahalaan ang pagkakatayo ng Pantabangan Dam sa lugar. Noong 1974 ay natapos ang dam na inaasahang magdadagdag na suplay ng tubig sa buong Luzon. Natapos ito sa panahon ng Pangulong Marcos sa pamamagitan ng National Irrigation Administration. Plano sa dam na maging daan din sa pagkontrol sa pagbaha sa rehiyon at maging malaking tulong sa pagbibigay patubig sa malawak na palayan at tanimang agrikultural sa buong Gitnang Luzon.
Parang Amorsolo paintings ang babaybayin mong lugar sa pag-akyat sa mismong dam. Mga kalabaw na naliligo sa sapa, mga palayan at mga babaeng naglalakad sa gilid ng kalsada at may sunong-sunong na mga bayong at basket sa kanilang ulo. Yaon lang, laktaw-laktaw ang sementadong kalsada at marami pa rin ang bako-bakong daan. Maalikabok at matagtag ang daan dahil sa bato; mga bagay kung kailan masasabi mong probinsya nga talaga ang napuntahan mo.
Kilala din ang Pantabangan sa mga isda na nahuhuli sa tubig-tabang. Paghinto namin na maliit na palengke, na binubuo lang ng dalawang sari-sari store, matutuwa ka sa malalaking isda na itinitinda. Sinlaki ng isang buong bandehado ang isang mukhang tilapia na pumapalag-palag pa; ttiyak mo na sariwa.
Bihira pa rin ang tindahan at may kamahalan ng kaunti ang mga karaniwang paninda tulad ng softdrinks at kukutin. Kwento ng isang tindera doon, sa Bongabon, isang bayan na may mas malaking populasyon kaysa Pantabangan sa ibaba ng Rizal, pa sila nakakapamili. Bihira din ang pampasaherong dyip at iba pang sasakyan na dumadaan. Marami pang naikwento ang mga tagaroon tungkol sa mga turistang taga-ibang bansa na dumadayo din sa kanilang lugar para sa bisitahin ang dam. Matatas ang tagalog nila bagamat bihasa din sila sa ilokano. Mainit tumanggap ang mga tao doon, sariwa at nakakapanibago para sa mga palaging abalang tao ng Maynila.
Tubig sa gitna ng bundok
Para makarating sa mismong dam, kung saan nandoon ang isang resort na pupuntahan namin, kailangan mong lumampas sa isang checkpoint. Nakabakod pala ang buong bisinidad at hindi malayang maglabas-masok ang sinoman. Pagpasok sa dam ay isang mahabang tulay ang dadaanan mo at mula doon ay malalagutan ka na ng hininga.
Sa kanan kasi nito ay tanaw mo ang lawa na nabuo dahil sa dam. Lokal na bersyon ng pamosong Loch Ness Lake sa Scotland. Parang postcard, parang painting ang asul na tubig na napapalibutan ng mga bundok na inaabot naman ng mga daliri ng ulap. Sa kaliwa ng tulay, tila may patak ng dugo ang berdeng-berdeng bundok dahil sa mga Caballero – mga puno na pulang-pula ang dahon kung namumukadkad. Hindi nakapagtatakang dayuhin ang dam. Malaking halaga ang 34 milyong US dollar na utang mula sa World Bank noong 1969 para ipinatayo at pagkagastusang pagandahin ito ng National Irrigation Authority (NIA).
May malaking layo naman ang ganda ng tanawin sa resort na aming dinatnan. Sa kasalukuyan, ang pamahalaang Pantabangan na lamang ang nagmimintena sa nag-iisang resort na tumatanggap sa mga turista. Inalisan na ito ng kontrol, kasama ng pagpondo, ng NIA. Katulad sa ibang lake resorts, pwede ang mag-jetski, mamingwit at mamangka sa lawa – hindi nga lang mura ang renta.
Ang ganda ng dam ay hindi naman maitatangging nakakalimutan din tuwing magpapakawala ito ng tubig kapag umaabot sa kritikal na lebel dulot ng malalakas at tuloy-tuloy na buhos-ulan. At sa laki ng pinapawalang tubig ng dam, halos lumulubog ang mga siyudad at bayan ng Nueva Ecija. Sa ganito ay walang labang nasisira ang malalawak na bukirin, taliwas sa inaasahang pagtulong, gaya na lamang ng nangyari noong 2009 sa panahon ng Bagyong Pepeng.
Paalam
Walang maayos ang suplay ng tubig at pasumpong-sumpong ang kuryente sa mismong bayan ng Pantabangan, ayon sa kaniyang pag-aaral. Malawakan na din ang pag-alis ng tao sa lugar ayon sa kanya, kita sa layo-layong bahay na makikita habang nasa byahe sa kawalan ng trabaho sa lugar. Tanging ang mga matatandang populasyon na lamang daw ang natira doon habang ang karamihan ay nasa ibang bansa na para maghanapbuhay. Ang lahat ng ito, kapalit ng 13,000 libong tao at pitong kanayunan na napaalis sa lugar nang maitayo ito noong 1974.
Tahimik ang naging pagdalaw ko sa Pantabangan dam. At ngayon iniisip ko na tila hindi rin pala ganoon kapayapa ang lahat para sa isang magandang bayan.
No comments:
Post a Comment