“Kung bumaha, mapupuno ng tubig itong ibaba. Kaya ninyo bang lumangoy-langoy na lang. Mga taga-patag naman ang priniprotektahan namin [dahil kami,] kaya naming umakyat ng bundok.”
Ganito binuksan, sa isang mainit na hapon, ni Chieftain Ador, ang aming usapan tungkol sa kaniyang mga karanasan sa kabundukan at sa lunsod. Kasama na dito, ang paglapit niya sa problemang hinaharap nila dahil sa pagattayo ng Laiban Dam. Sa mabagal na boses (na aakalain mong boses ng isang lasing) at balikat na bagsak na dahil siguro sa pagod, nagsalaysay ang Chieftain ng tribong Dumagat mula sa Bulubundukin ng Sierra Madre sa bandang Rizal. Tanging isang makulay na mahabang kwintas na gawa sa maliliit na butil na parang bigas ang pangkatutubong palamuti ni Chieftain sa katawan. Maliban doon, maluwag na puting t-shirt ng KATRIBU Partylist, short pants, itim at kupas na baseball cap at mapupudpod na mumurahing gomang tsinelas, baka sabihin mong karaniwang namamalimos o taong kalye lang siya. Lalo pa at sinunog na lupa ang kulay balat ng wala pa sigurong lilimang talampakang katutubo.
“Napaka-init dito sa Maynila. Ngayon ko lang naranasang pagpawisan ang buo kong katawan,” kwento-paumanhin ni Chief Ador. “Doon sa amin ay hindi ko naranasan ang ganito,” dagdag niya sa tono ng boses na hindi mawaring tumutula o kumakanta.
Ilang buwan na mula ng bumaba dito sa kalunsuran ang ilan sa mga Dumagat sa pangunguna ni Chieftain Ador. Kwento niya, tumakas lamang sila mula sa kanilang lugar at ang ilan at hinahanap na din ng mga sundalo. Nang magsimula daw kasi ang kanilang pagtutol sa pagtatayo ng Laiban Dam, binantayan na sila ng mga military sa lugar upang iwasan umano ang pagkalat ng usapin.
“Kapag kami ay bumababa mula sa gubat ay agad kaming iniimbestigahan ng mga military, sinasabi ay mga NPA (New People’s Army) daw kami. Ang sabi ko ay “Ser, nasa gubat po ang pangangailangan namin. Saan naman po kami kukuha ng makakain?” Sasagot umano ang sundalo, “Ano naman ang makukuha ninyo diyan? Kung gusto ninyo ng pagkain ay doon kayo bumili sa kabayanan!”
Ubog, paynot, aypanan. Marami pang binanggit na mga uri ng pagkaing bunga si Chieftain at nagamit niya ang lahat ng kanyang daliri sa pagbibilang, lahat ay hindi pamilyar sa akin at ngayon ko pa lang narinig. Ang mga ito ay pawang makukuha sa gubat at patunay na kahit hindi sila magtanim, basta naroon ang gubat, ay hindi sila magugutom.
Panahon pa ni Ferdinand Marcos nang simulan ang proyekto ng Laiban Dam. Nang maalis siya sa president ay naitigil din ang paggawa ng sinasabing pinakamalaking daw sa buong Pilipinas. Sasakupin dapat nito ang halos 300 libong hektarya sa kabundukan – ang pamayanan ng mga Dumagat mula pa noong sinauang panahon.
Ayon sa Kalikasan (Kalikasan People’s Network for the Environment), ang 23 libong pamilyang maapektuhan ng proyekto, mula sa orihinal na pamayanan ay pagkakasyahin sa apat na libong hektaryang relokasyon.
Kaya’t sa paghanap ng tulong para sa kanilang problema, nagpasya ngang bumaba ang sina Chieftain. At dahil wala sa kanilang nakasanayang pamayanan, hindi naging madali para sa mga Dumagat ang mga unang panahon ng pamumuhay-lunsod.
Isang pagkakataon, habang kasama ang kaniyang mga katribo habang naglalakad sa kabayanan ng Tanay ay nakarating sila sa isang restaurant. Tinawag daw sila ng may-ari at inimbita silang kumain. Isang malaking bandehadong kanin ang inihapag sa kanila, pati na ang mga ulam. Pagkatapos kumain ay nagulat siya nang singilin sila nito ng bayad, natatawang pag-alala ni Chieftain.
“Ay, hindi naman niya sinabing iyon pala ay babayaran naming. Kung sinabi niyang iyon pala ay may bayad, hindi sana kami kumain,” ika ni Chieftain. Sa ganitong dahilan ay ipinapulis sila ng may-ari. Muli ay inulit ni Chieftain ang kaniyang dahilan. Buti at naintindihan ng pulis, ipinaliwanag niyang ganoon daw talaga ang mga katutubo: huwag aalukin agad-agad sapagkat kahit ang mga ito ay gutom, hind sila manghihingi ng pagkain malibang sila ay imbitahin. Sa awa naman ni Chieftain ay binayaran niya ang may-ari ng kainan. Tatlong daang piso ito lahat. Nang makaabot sa alkalde ang usapin. Pinalitan din naman nito ng doble nang ginastos ng mga Dumagat.
“Nang kami ay mababa dito sa lunsod, ika ko ay ganoon pala – ang tubig, ang apoy, ang bigas ay bibilhin mo. Doon sa amin ay wala kaming binabayaran na kahit ano. Katuad nitong tubig,” sabay turo sa kanilang isang bote ng mineral water, “binibili pala ito. Paano kung si-singkwenta lamamng ang pera namin?” nakatingin tagos sa mga kausap, inalala ni Chieftain kung paanog doon sa bundok ay sa bukal sila umiinom – malinis at walang kemikal. Umaga, tanghali, gabi, hindi na bibili ng yelo dahil talaga naman daw malamig.
Alangan din ang mga Dumagat sa pagkaing hindi nila nakasanayan sa bundok. Kwento ni Chieftain, “Hindi ko makuhang kumain ng karne baboy dito sapagkat doon sa amin, mga nahuling baboy damo ang aming kinakain. Kaunting asin, at suka, at vetsin ay napakasarap na. Dito ay kung ano-ano pang rekado at luto ang mayroon…ina-adobo pa.” Maging ang pagkain ng manok, na “labuyo” kung tawagin sa kanila, ay kaiba din. Tanging mga labuyo na hindi pa nahawakan ni minsan ang kanilang niluluto at kinakain sapagkat kung hindi ay malansa na ito para sa kanila.
“Nang madaan din kami sa Ilog Pasig at may nakita akong naliligong bata. Tinawag ko siya. Ang sabi ko, “Hoy! Hindi mo ba nakikitang parang tinta na ang tubig diyan? Huwag kang maligo diyan!” sabi niya. “Doon sa amin ay napakalinaw ng ilog. Mula taas hanggang ibaba ay makikita mo. At kung maligo kami doon ay one to sawa.”
“Doon sa tinutuluyan namin, salo-salo kami sa iisang timba. Tig-iisang tabo lamang ang buhos para lang maginhawahan,” ika niya habang umaarte na kunwa ay may hawak na isang tabong tubig na ibinubuhos sa ulo.
“Kung bakit ba sa isang iglap ay papaalisin kami ng gobyerno?” Sa pagitan ng masyang kwentuhan ay nasabi ni Chieftain. Wala pa ang mga espanyol ay nakatira na ang mga Dumagat sa mga mga bundok ng Rizal, Laguna, Quezon at Bulacan. “Bibigyan naman daw kami ng tatlong milyong piso bawat isa, at bahay na diyes-dose (10 metro X 12 metro). Ganoon dina ng pangako sa mga katribo naming Dumagat nang itayo ang Angat Dam. Ngayon ay palaboy-laboy na lamang sila sa kalsada. Dadagdag na lang din kami sa pulubi sa lunsod.”
“Isa na ang napatay sa amin. Iyong ama ni Marvin,” pagtukoy nito sa isang binatilyong Dumagat na nakaupo sa may hindi kalayuan, “nabaril ng militar sa Antipolo dahil sa laban naming ito. Aba, patayin na lamang din nila muna ako bago kami mapaalis.” At sa ganito, mabagal at madiin na pagsasalita kasabay ng malumanay na pagkumpas-kumpas ng kanang kamay, dineklara ni Chieftain Ador ang laban mula bundok patungo sa lunsod nilang mga Dumagat.
********************
Si Chieftain Ador ay pinuno ng Makabayang Samahan ng mga Dumagat(MASKADA), organisasyon ng mga Dumagat at Remontados sa bulubundukin ng Rizal. Kasapi ang MASKADA ng Bigkis at Lakas ng Katutubo sa Timog Katagalugan (BALATIK) at KATRIBU Partylist.
No comments:
Post a Comment