(A profile feature on a multi-talented artist, Roselle Pineda)
“Hindi ako takot mag-experiment.”
Maaliwalas, mabagal at magaan niya itong sabi. Maiksi at kitang-kita ang batok at tainga sa bagong gupit niya, mas mahaba naman ng kaunti ang malapit sa tainga at nakahawi sa gilid ang maikli din niyang bangs. Walang manggas, ngunit hindi spaghetti strapped gaya ng karaniwan niyang suot na mga pang-itaas, ang bestida niyang itim at pula na hanggang itaas ng tuhod ang haba. Litaw ang kanyang dalawang tattoo, isa sa ibaba ng batok at isa sa itaas ng kanang paa.
Kilala si Roselle V. Pineda, o Mama R sa kanyang mga mag-aaral, bilang full-time na propesor ng Art Education at Art Theory and Criticism sa Departamento ng Art Studies sa Kolehiyo ng Arte at Literatura, Unibersidad ng Pilipinas - Diliman. Ngunit hindi ang pagiging guro ang tanging baraha ni Roselle, iba’t iba, marami at kakaibang mga katangian at personalidad pansining din ang mayroon siya – performance artist, photographer, writer, mixed media artist at painter, singer, musician, theater actress at dancer.
“Hindi ako kontento sa iisang disiplina.” Wala na ngang mas tototoo pa – hindi kakaunti ang nasubukan na niya sa larangan ng sining. At hindi basta-basta pampalipas oras lamang ang mga ito, sa katunayan pagkilala ang tinatanggap niya mula sa marami pinagkakaabalahan.
Photographer
Isang one-woman exhibit na ang nailunsad ni Roselle noong 2000 nang matanggap niya ang Nancy Cena Grant para sa kaniyang exhibit na “Instamatic”. Ito ay koleksyon ng kaniyang mga larawan – mga tao, tanawin at pangyayari – na kuha sa kaniyang paglalakbay sa loob at labas ng bansa.
“Film camera na point and shoot lang ang gamit ko. Mga kuha sa India, San Francisco at mga probinsya.” Kahit na walang pambili ng mamahaling camera at hindi naman maalam sa digital photography o graphic art, natutuwa siyang makatanggap ng pagkilala para sa proyektong iyon, ayon kay Roselle. Isa pa, nais niyang walang pagsasaayos ang kanyang mga larawan. Gaya ng panuntunan niya: kung ano ang nakikita mo, iyon na 'yon.
Patuloy pa rin sa pagkuha ng mga larawan si Roselle. Ngayon, gamit na niya ang hindi iniiwang digital point and shoot camera. Patuloy na nalalathala ang mga kuha niya sa mga web magazines at online na publikasyon. Kamakailan ay lumabas ang larawan niyang kuha noong bagyong Ondoy, pati na ang mga travel photos niya sa Siquijor. Palagi din siyang kasali sa tuwing may photo exhibit ang Concerned Artists of the Philippines, samahan ng mga progresibong artista.
Manunulat
Espesyal para kay Roselle ang pagkakalathala ng kaniyang “The Unbearable Heaviness of My Being” noong 2002. Creative non-fiction ito – malapit sa isang personal essay – na tumalakay sa kaniya bilang isang babae na may kabigatan ang timbang.
“Minsan, bigla na lang may lumalapit sa akin at nagsasabing “Are you Ms. Pineda? I read your book and I completely relate to your words and it personally empowered and helped me so much.” Grabe lang, na-touch ang lola mo,” sabay pahid kunwari sa hindi naman tumutulong mga luha.
Ilang mga tula, maikling kwento, dulang may iisang yugto at salaysay na din niya ang naisama sa hindi mabilang na libro at publikasyon. Hindi naman daw talaga siya nagsususlat para sa isang partikular na proyekto. Nagkakataon lamang na ang mga sulatin niya ay tumutugma sa mga paksa ng isang koleksyon. Ilan dito ay mga sulatin ukol sa pampulitikang pamamaslang at pagkawala at pagsusulong ng karapatang pagkababaihan bilang isang peminista. Ganoon man, “Hindi ko maangkin ang pagiging writer, hindi nga ako mahusay sa grammar e,” tatawa-tawang sabi niya.
Higit na nakapokus ngayon si Roselle sa “spoken words” o iyong mga sulating diretsong itinatanghal, gaya ng isang monologo. Ang ganitong estilo kung saan litaw na litaw ang personalidad at boses ng manunulat sa kanyang akda ang nagging pagkakakilanlan ni Roselle bilang “manunulat”, ayon sa isang review ng kaibigan tungkol sa kaniyang mga akda.
Visual artist
Visual arts ang major nang makapasok sa Philippine High School for the Arts (PHSA) sa Makiling si Roselle kung saan siya nagtapos. “Pero mas magaling kasi sa akin ang matanda kong kapatid sa visual arts. I will be living under his shadow. No way! Kaya lumipat ako sa Theater Arts,” kwento niya.
“Pero may kamay ako,” pagtatanggol niya sa sarili. Marami na din siyang mga portrait sketch at drawing na na-i-exhibit. “Pero mas nakatutok ako ngayon sa mixed media art. Kandila nga ang medium kong pinag-e-eksperimentuhan ngayon, e.”
Ang pagpapaunlad niya sa pagbuo ng mga larawan sa pamamagitan ng mga patak ng kandila sa papel ang kaniya ngayong tinutuloy-tuloy. Kailan lang ay naisama ang kanyang mga likha sa kandila sa isang exhibit gamit ang isang pseudonym. “Nililinis ko pa ang technique na ito. Makalat kasi ang kandila at hindi mo makokontrol ang bakas nito kapag nagmantika sa papel.”
Malikhain at maparaan: sa katotohanan, aksidente ang paggamit niya ng kandila na dulot lang ng pagkaubos ng kaniyang oil pastels minsang may ginagawa siyang proyekto, pag-amin niya. Sa panghihinayang na bumili pa dahil may kamahalan ang presyo, naghanap na lang daw siya ng kung anong meron sa bahay para makapagpatuloy.
Artista panteatro
“Hinasa ako ng Makiling para maging all-around theater person: stag manager, production designer, artista, direktor, lahat na. Papalit-palit kasi ng guro ang theater arts noon, sobrang gulo kaya kailangan kong turuan ang sarili ko,” ani Roselle.
Muling nabuhay ang Dulaang Sipat-Lawin, grupong panteatro na namatay dahil walang nag-aasikaso, sa PHSA sa pangunguna niya. Sa kaniyang ika-apat na taon noon, siya na ang inaasahan ng mga mas bata sa kaniya sa mga arala at gawaing panteatro.
“Theater arts talaga ang kurso ko pagpasok sa UP. Kaso, sinisigawan ako ng mga direktor. Sabi ko “Bakit ako sisigawan nito? Alam ko na tinuturo nito. Taga-Makiling kaya ako.” Walang pagpapanggap, inamin ni Roselle na ganoon daw talaga silang taga-Makiling, lumolobo ang ego. “Kaya lumipat ako sa art studies”
Pero ngayon, may kaunting lungkot siya dahil hindi na niya nagagawa ng una niyang pag-ibig, ang pagtatanghal. Ang pinakahuli niyang produksyon ay ang “Vagina Monologue” na ginawa sa UP. Umakto siyang musical scorer, production designer at direktor. Umani ng papuri ang dula at matindi ang paghiling ng tao na muli itong ipalabas ngunit dahil limitado ng karapatang-ari ang dula ay hindi na nasundan pa.
Mananayaw
Limang taong gulang pa lamang, puspos na sa ballet training at jazz lessons si Roselle. “Pero dahil majobesse (gay lingo para sa mga mataba) ako, kahit mas magaling ako sa ibang bata, hindi ko na tinuloy yun,” natatawa niyang pag-alala.
Sa Makiling, tinaguriang The Street Dancer si Roselle ng kanyang mga kasama. Siya rin ang Janet Jackson ng kanilang batch. At nang tumuntong sa kolehiyo, siya ang nag-iisa at pinakamahusay na aktibista-choreographer ng Alaysining Artist Collective.
Ngunit mas sa teatro ang pagpapakahusay ni Roselle sa pagsasayaw - mga pagkilos, tila sayaw, tila pag-arte, malaya at aral na ekspresyon ng isang pagtatanghal. Matapos itong sumikat, na noon ay mga ehersisyong panteatro lamang sa Makiling, ginagamit na ito ng marami at lumaganap. “Tawag namin doon ay movement theater,” sabi niya.
Mang-aawit
Sa isang okasyong idinaos para sa mga kaanak ng mga politikal na pinaslang at dinukot, biglaang hiniling na umawit si Roselle. Bagamat nagkamali sa mga letra, hindi magkamayaw sa natanggap na papuri si Roselle pagkatapos.
Pagkababa niya sa entablado ay isang ginang ang lumapit sa kaniya at sinabing “Ang mga awit na katulad niyan at ang paraan mo ng pagkanta, iyang ang nagpapalakas ng loob ko.” Ang ginang ay si Editha Burgos, ina ng nawawalang si Jonas Burgos, na mula noon ay naging kaibigan na ni Roselle.
“Dito talaga, dito talaga ako magaling, kaya kong angkinin,” pagbibigay-diin niya na may kasama pang dutdot sa hangin ng hintuturo. “Pero parang over acting naman ang iba kapag nilalarawan yung pagkanta ko. Maganda ba talaga ang boses ko?” sabay bawi.
Isang tanong na sinagot din niya ng sarili hinuha: kung kumakanta daw siya hindi niya mapigilang ibuhos ang lahat ng emosyon – bunga na din siguro ng pagsasanay sa teatro – at umiyak o tumawa o buong pusong kumanta.
“Pero hindi ko makakalimutan ang pagkanta noon kasama ang dating banda ko sa UP Fair, 1998. Pagkatapos ng una naming kanta ay kumapal ng sobra ang tao at pagkatapos namin ay naghihiyawan sila ng "more".” Pagkatapos daw ng gabing iyon ay binaha siya ng imbitasyon para gumawa ng album o pumirma ng kontrata sa ibang banda.
“Tinanggihan ko. Hindi ko kaya ang banda.” Mas naniniwala si Roselle na ang pagkanta niya ay hindi para maging popular kung hindi para makalikha ng tinatawag niyang "impact".
At iba pa
Sa kabila ng mayamang talento, nakakaramdam pa rin ng inseguridad sa sarili si Roselle. “Wala kasi akong ma-claim na expertise, lahat kasi gusto kong gawin.”
Sa kabila nito, wala pa rin siyang preno sa paghahanap ng iba pang gagawin. At ngayon, nahuhumaling si Roselle sa pag-aaral ng mga teorya sa Physics at ang aplikasyon nito sa pag-aaral ng mga likhang sining at teoryang sosyolohikal sa agham panlipunan.
Mukha bang malabo. Maari, pero para sa kaniya ay isa na naman itong walang takot na pagtuklas.
No comments:
Post a Comment