Sa kabila pagkaalis sa pwesto dulot ng mga kontrobersya sa korapsyon ng kanyang idolo, hindi kailanman inaalis ng tricycle driver na si Mang Boy Andrada ang lumang poster ng dating Pangulong Joseph “Erap” Ejercito Estrada sa pintuan ng kanyang bahay. At sa pagbabalik muli nito bilang kandidato sa pagkapresidente, mukhang hindi nagpapahiwatig ng nalalapit na pagreretiro ang larawan sa pinto.
Pitumpung taong gulang si Erap noong Setyember 2007 nang mahatulan ng Sandiganbayan ng habambuhay na pagkabilanggo sa kasong pandarambong. At dahil sa edad niya noon, kwalipikado siyang palayain ng pangulo sa pamamagitan ng isang executive clemency. At hindi pa man naglipat ng taon, naregaluhan na agad siya ng pardon noon ding Oktubre ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ang sabi ng noon ay Acting Executive Secretary Ignacio Bunye, pinalaya si Erap sa tatlong dahilan: ang kanyang matandang edad, ang sapat na na anim at kalahating taong pagkakaditena habang siya ay nililitis, at ang kanyang pahayag na hindi na tatakbo sa anumang eleksyon at pagnanais na humawak ng pwesto sa pamahalaan. Ang sabi naman ni Mang Boy ay pinalalaya talaga ang walang kasalanan.
Pero ngayon, ang biktima umano ng pagkaputol ng isang buong termino ay nagbabalik upang tapusin ang naantala bagamat may mga kwestiyon sa kakayahan niya dahil sa edad. Pagtatanggol ni Erap, kung ang idolo niyang si Ronald Raegan, na katulad niya ay dati ring artista, ay naluklok sa White House sa edad 73 at muli ay sa edad na 77, ano pa kaya siya?
Ayon sa Article 7 ng Saligang Batas ng Pilipinas ng 1987, kahit sinong Pilipinong natural born, edad 60 taon pataas, mamamayan ng Pilipinas ng hindi bababa sa dalawang taon, rehistradong botante at marunong bumasa at sumulat ay pwedeng maging president. Pero sa kaso ni Erap, mukhang higit pa sa mga nabanggit ang kailangan.
“Wala namang dapat pagtalunan. Malinaw sa konstitusyon na walang sinumang pangulo ang maaaring mahalal muli sa pamamagitan ng reelection sa pagkapangulo”, mabilis na sagot ni Gene Lacza Pilapil, political theorist at propesor sa Kagawaran ng Agham Pampulitika, Unibersidad ng Pilipinas - Diliman na dalubhasa sa politika at gobyerno ng Pilipinas. Tinutukoy dito ni Pilapil ang pangalawang pangungusap ng Art. 7, Sec. 4 ng Saligang Batas.
Ang ganitong mga probisyon sa batas ay inilagay bilang aral sa karanasan mula sa diktator na si Ferdinand Marcos. Upang hindi na maulit ang iisa at tuloy-tuloy na kontrol sa kapangyarihan ng nanunungkulan gaya ng nagyari sa panahon ng Martial Law, ang batas na ito ang ginawang solusyon.
Sinasangayunan naman nina Fr. Joaquin Bernas at Christian Monsod, mga katulong noon sa pagbuo ng Konstitusyon ng 1987, na pagdating sa posisyon ng presidente, ay walang reelection.
Ito din ang ginamit na dahilan ng mga abogadong sina Ely Pamatong, Evelio Formento and Mary Lou Estrada na nagpasa ng kasong diskwalipikasyon sa Commission on Election (Comelec) laban sa kandidatura ni Erap. Pero ang tugon ng Comelec – ibasura ang mga petisyon, hayaan na ang mga boboto na lang ang magdesisyon pagdaling ng halalan o sa Korte Suprema na lamang umapela.
At umapela ang grupong Vanguard of the Philippine Constitution, Inc. sa Korte Suprema, na agad din na ibinasura ng dahil sa kakulangan sa mahahalagang argumento at punto, ayon sa tagapagsalita ng pinakamataas na hukuman.
Depensa ni Makati Mayor Jejomar Binay, tatakbong bise president ni Erap – hindi binasa ng mabuti ang buong batas. Sa pangatlong pangungusap sa Art. 7, Sec. 4 ay binabanggit din na ang sinomang kasalukuyang presidente na nakatapos ng kanyang buong termino ay hindi na kwalipikado sa reelection. Ngunit tatlong taon lamang naging president si Erap, 1998 hanggang 2001, at hindi nakatapos ng isang buong termino, apela niya.
“Sa konstitusyon kasi, kapag sinabi na ‘kahit ano’ o ‘any’ (gaya ng sinasabing “The President shall not be eligible for any re-election”), kasama na dito ang lahat – sa anomang porma o paraan – ng muling pagkakaboto,” ani Pilapil. “ Minsan na siyang naihalal sa eleksyon noong 1998, at kung tatakbo at mananalo siya, ano pa nga bang tawag doon kung hindi reelection?”
Pero ang muling paghawak sa posisyon bilang ulo ng bansa ang tanging nakikita ni Erap upang muli ay makabayad sa utang na loob niya noon sa mga mahihirap. Ito lang din ang paraang nakikita niya upang maalala bilang presidenteng para sa masa, matututo sa mga naunang pagkakamali at magamit ang natitirang taon sa mundo ng tama, sabi niya sa isang panayam sa dyaryo.
Gayon pa man, bagamat mataas sa ikatlong pwesto at may 15% na boto ayon sa survey ng Social Weather Station noong December 27-28, 2009 tungkol sa pagpili ng presidente sa eleksyon, alam ni Pilapil na hindi isang seryosong banta si Erap kina Senador Benigno “Noynoy” Aquino III at Manny Villar na nakakuha ng 44% at 33%, o sa kahit sino pa mang nagnanais maging pangulo.
Nilinaw din ni Pilapil na ang ginawa lamang ng Comelec kay Erap ay presumptive qualification batay sa mga simpleng rekisito ng sinomang pwedeng tumakbo bilang presidente at hindi batay sa argumento kung pwede bang tumakbo muli ang dati nang pangulo.
“Pwedeng maging mas mahigpit at asertibo ang Comelec katulad ng ginawa nilang pagpipilit na idiskwalipika ang Ang Ladlad sa pagtakbo bilang isang partylist,” dagdag niya. Maliban sa mga hindi kilala at maliliit na indibidwal at grupo ay walang iba ang maingay na kumukwestiyon sa kandidatura ni Erap.
“Walang may gusto na magmukhang kontrabida sa harap ng mga botante at magpapakitang tila inaapi nila ang nagbabalik pulitikang si Erap, na siyang magmumukhang bida.” Ito ang paliwanag ni Pilapil kung bakit wala isa man mula sa kampo ng mga tumatakbo bilang pangulo, kahit mula sa kampo ng MalacaƱang, ang sumeseryoso sa usapin ni Erap.
Bagamat malayo kung ikukumpara sa makinarya at kasalukuyang laki ng popularidad nina Noynoy at Villar si Erap, sadyang may karismang pang-artista at imaheng makamasa pa rin siya na humahatak ng simpatya ng mga Pilipino, ayon kay Pilapil.
“Noon pa, siya ang nasubaybayan ko na nagmula talaga sa kagaya kong mahirap. Ang kumakalaban naman sa kanya, e ,puro mayayaman din.” Bilib pa rin si Mang Boy sa muling pagbangon ng kanyang action star sa kabila ng bugbog sa pulitika na pinagdaanan nito at ng pagsubok ng panahon sa kanyang poster.
Ngunit kung si Erap [ay manalo], nakikita ni Pilapil na makakabuo ang kasaysayan ng pulitika ng Pilipinas ng isang kumpletong bilog nang walang natututunan.
No comments:
Post a Comment